lunes, julio 24, 2006

Tula(la)

Lapis.
Papel.
Utak na hinahangin,
at...
Mga matang walang kurap.





_072406_

Kumpesyon ng Isang Mariposa

.




Naaalala ko pa ang mga panahong
nagsasaya pa ako sa
liwanag ng musika; isang bagay na
kumakandili sa aking pagkakakilanlan.

Mga huni ng ibon at agos ng ilog –-
isang mayuming pagmamalasakit
sa biyaya ng Maykapal
na Siya ring nagbigay buhay
sa mga supling ng kamunduhan.

Laking pag-iingat na bigyang kulay ang
mga bagay na lubos kong nakatkatawa.
Ngunit sa tuwina’y isang payapang
paghihikahos ang sumasapaw sa mga pangarap
ng isang supling ng Liwanag.

Mga aninong nangingibabaw sa ramanam ng
sarap ng halina ng musika;
pilit man nilang putulin ang lubid ng
aking sapi-sapi, sisiguruhin pa rin na maiangat ito
sa kayumihan ng kalawakan.

Paghangad ko lamang
na dumating ang panahon kung saan
mailabas ko ang mga pakpak ng pagpasiya
kasabay ng mga anghel –-
(na kumakandili sa aking pagkakakilanlan).



_072306_

Larawan (ng Nakaraan)

Lovely?
Hindi siguro.
Gorgeous?
Masyadong mayumi.

Ikubli ang larawan ng iyong halik
Oh please, don't make my life miserable!
Pansamantalang isantabi ang poot sa iyong kalooban
I'm begging you, get out of my sight!

Matang titig na titig sa mukha ng kompyuter
Nagpupumilit na balewalain ang lahat

But I'm sorry, I can't help it.
I must admit, it feels like HELL.

Mga linyang umaalingawngaw sa isipan
"So happy in love... just like the Beauty and the Beast."

Suntok sa puso?
Oo. Malamang.

Tik tak. Tik tak.
Wala na. Nakakulong na sa anino ng alaala.



_071806_

Pagninilay-nilay sa mga Aspeto ng Wikang Filipino

ala... project ko lang ito sa Filipino. aynak0w! ang magaling sa si Sir Atalia... sadya atang may toyo lang yun sa utak. -^-


Kung iisipin natin, saan nga ba nagmula ang wika? Paano ito nagsimula? Hulog ng langit? O di kaya'y nanggaling ito sa kailaliman ng lupa at nabungkal lang ng mga sinaunang tao? Maraming mga teorya ang nagsipaglabasan -- may magkakapareho, may magkakasalungat. Ngunit bukod pa rito, isa pang importanteng katanungan ang hanggang ngayo'y naglalaro pa rin sa isipan ng mga tao. Gaano nga ba kahalaga ang pagbuo ng wika sa sangkatauhan?



Ayon kay Bob Ong (Stainless Longganisa, 2005), napagtanto daw ng ilang scientists na nag-umpisa raw ang wika (o lenggwahe) sa mga natural na galaw ng bibig. Sabi naman ng iba, natuto lang daw tayo gumaya sa mga tunog sa kapaligiran. Meron ding mga nagsasabing posibleng ang pagsasalita raw natin ay dulot lang ng mga natural nating reaksyon kung natutuwa o nagugulat. Kung sino naman ang mga scientists na ito ay hindi ko na alam. Ang akin lamang, isa na rin itong malaking bagay upang kahit papaano, maliwanagan na rin ang magugulo nating utak.



Wikang Filipino. Ang ating wikang pambansa. Ayon sa mga pag-aaral, noong unang panahon pa lamang, bago dumating ang mga Kastila ay may sarili na daw tayong wika. Ngunit dahil na rin sa impluwensiya ng ating mga mananakop, nagiba-iba na ang nilalaman at takbo ng wikang Filipino sa sangkatauhan.



Malaki na rin ang pinagbago ng ating panahon. Kung tutuusin, napapangibabaw na ng modernismo ang takbo ng wika sa ating lipunan. Halimbawa, ang salitang scientist ay walang pangkaraniwang kahulugan sa Filipino. Tulad ng mga ibang salitang Ingles na kagaya nito, nahihirapan ang mga Pilipino na makagawa ng mga gawain na purong Filipino (liban na lamang kung talagang magaling ang isang tao sa mga bagay na tulad nito).



Ang gusto ko lamang ipunto, sana man lamang at bigyan halaga ang ating sariling wika. Gaya nga ng aking nabanggit, malaki ang epekto ng kolonisasyon at modernismo sa pagbuo ng ating wika. Ito ay sa kadahilangang mas binibigyan na ng importansya ang mga banyagang wika -- partikular na ang Ingles. Sabihin na nating malaking bagay na mapag-aralan ang wikang Ingles kung makikisalo ka sa kumpetensyon ng globalismo, ngunit hindi ito sapat na dahilan upang tuluyan nating talikuran ang ating sariling wika.



Natutuwa pa rin ako sapagkat sa kabila ng lahat, mayroon pa rin mangilan-ngilang Pilipino ang hindi nagsasawang magtaguyod sa pagpapahalaga ng wikang Filipino. Isa na rito ang kahihirang pa lang na Pambansang Alagad ng Sining at Panitikan -- si Dr. Bienvenido Lumbera. Mayroon akong mga nabasang artikulo patungkol sa kanyang mga gawain. At masasabi kong nakatataba ng puso ang labis na pagpapahalaga niya sa ating wika. Sana nga lang, tulad din tayo ni Dr. Lumbera na labis nga na nagmamahal sa sariling wika.



Pagmamahal at pagpapahalaga. Iyan lamang ang tangi kong masasabi upang lalo pang mapalago ang pagbuo ng ating wika -- ang wikang Filipino.



_071406_